Recruitment sa mga Pinoy sa ibang bansa, bineberipika ng DFA

MANILA, Philippines — Sinimulan na ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang pagberipika sa mga ulat na may mga Pilipinong nare-recruit para magsilbi sa mga dayuhang armadong puwersa.
Batay sa pahayag nitong Biyernes ng DFA na patuloy na sinusuri ng mga Philippine Foreign Service Posts ang impormasyon at nakikipag-ugnayan sa mga kinauukulang otoridad.
Sinabi pa ng DFA na ang kanilang prayoridad ay ang kaligtasan at kapakanan ng mga Pilipino.
Naglabas ng pahayag ang DFA kasunod ng ulat na isang Pilipino ang na-recruit para lumaban sa gulo sa pagitan ng Russia at Ukraine nasawi habang isa pang Pilipino ang naiulat na bihag ng digmaan.
Noong Pebrero, isang video ni Raymon Santos Gumangan ang inilathala sa Facebook page na “I Want to Live,” isang proyekto ng pamahalaang Ukrainian, noong Disyembre 8.
Ayon sa Facebook post, si Gumangan ay isang mercenary na na-recruit ng mga Ruso kapalit ng mataas na sahod sa kanilang bansa.
Sinabi ni Gumangan na na-recruit siya para sa isang trabahong may kaugnayan sa logistics, ngunit iba ang ipinagawa sa kanya nang makarating siya sa Russia.
Muling hinikayat ng DFA ang mga Pilipino na maging maingat sa pagtanggap ng mga alok na trabaho sa ibang bansa at tiyaking lehitimo ang mga iniaalok na trabaho.
- Latest















