Jimmy, LA magkakasukatan sa PBA on Tour
MANILA, Philippines — Magku-krus uli ang landas nina PBA at Gilas Pilipinas legends Jimmy Alapag at LA Tenorio – subalit sa pagkakataong ito ay sa mas bigating kapasidad na.
Sa unang pagkakataon ay magkakadaupang-palad ang 2 bilang head coaches sa inaabangang tapatan ng NLEX ni Jimmy Alapag at Magnolia ni LA Tenorio sa pagpapatuloy ng PBA on Tour sa Batangas City Sports Coliseum.
Nakatakda ang pagtutuos sa alas-5 ng hapon bilang segunda sa huling pagdayo ng PBA sa mga probinsya para sa On Tour bilang pansamantalang kapalit ng natenggang PBA Season 50 Governors’ Cup dahil sa kampanya ng All-PBA Gilas Pilipinas team sa 2026 Achi-Nagoya Asian Games.
May isa pang iskedyul ang PBA on Tour sa susunod na Sabado sa Candon City Arena sa Ilocos Sur tampok ang Talk ‘N Text at Rain or Shine bago magbalik-aksyon sa Oktubre 7 matapos ang lagpas 2 buwang pahinga.
Subalit ang atensyon ng lahat sa ngayon ay na kina Alapag at Tenorio muna, na kilala bilang isa sa three-headed combo guard ng makasaysayang 2013 Gilas team na pumatid sa halos 4 na dekadang pagkagutom ng bansa sa FIBA World Cup.
Ito ang magiging unang paghaharap nila kahit pa nakasalang na si Alapag sa PBA bilang pinakabagong head coach dahil nasa Group A ang NLEX habang nasa Group B naman ang Magnolia ng bagong Governors’ Cup format.
At naisakto rin ito sa maagang pag-uwi ni Tenorio matapos masibak agad ang Gilas, kung saan isa siya sa assistant ni Tim Cone, sa group play palang ng tangka sanang pagdepensa ng korona ng bansa.
Noong nakaraang taon pa naging bagong head coach ng Hotshots si Tenorio bago sundan ni Alapag ngayong season matapos ang kanyang kampanya bilang assistant coach para sa Sacramento Kings sa NBA, kung saan makailang ulit na rin siyang binisita ni Tenorio.
- Latest
















