NBI chief hinamon si Pulong na kasuhan ang misis
MANILA, Philippines — Magsampa ng reklamo kung may ebidensya sa alegasyon na may anomalya sa mga proyekto ni Laguna First District Rep. Ann Matibag.
Ito ang naging hamon ni National Bureau of Investigation (NBI) Director Melvin Matibag kay Davao City First District Rep. Paolo Duterte bilang reaksyon sa naging pahayag ng huli na may hawak na isang video sa mga proyekto sa distrito ng kanyang misis.
“I don’t think I have to answer for my wife. Sigurado ako mayroon namang sariling paliwanag d’yan, kung meron man,” pahayag ni Matibag.
“Ngayon kung si Congressman Pulong naniniwala siya na mayroong ebidensya at hindi siya nag-rely lang sa vlog ng mga vloggers, magpasok siya ng kaso para maimbestigahan din,” dagdag pa ni Matibag.
Patunayan aniya, ni Duterte na magrereklamo siya para maimbestigahan at kung hindi ay ‘marites’ na nagre-rely lang sa mga vlog.
Handa rin aniya, siya na huwag makilahok sa imbestigasyon sakaling sa NBI isampa ang reklamo.
Iginiit nito na hindi “selective” ang imbestigasyon ng NBI sa diumano’y ghost at substandard projects.
“I’m surprised bakit si Cong. Pulong nagsasalita ng mga ganoon tungkol sa issue ng flood control sa Davao City, hindi naman namin siya iniimbitahan. Ang inimbitahan namin, sinubpoena namin is the regional director, district engineers, at saka ‘yung contractors. Wala naman ‘yung pangalan niya doon eh,” dagdag pa niya.
Nag-ugat ang usapin sa ulat na may nakitang “red flags” sa 47 mula sa 100 flood control projects sa distrito ni Duterte sa Davao, kaya sinubpoena na ang regional director ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na si Juby Cordon para humarap sa imbestigasyon ng NBI sa Setyembre 24.
- Latest



















