DFA, bineberipika recruitment ng Pinoy sa foreign armed forces

MANILA, Philippines — Bineberipika ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang mga ulat na may ilang Pilipinong nare-recruit ng mga dayuhang sandatahang lakas.
Sa isang pahayag, sinabi ng DFA na patuloy na nagsasagawa ng beripikasyon ang mga Foreign Service Posts at nakikipag-ugnayan sa mga kaukulang awtoridad. Giit ng ahensya, pangunahing prayoridad nito ang kaligtasan at kapakanan ng mga Pilipino.
“Where appropriate, the Philippine Government remains ready to provide consular assistance consistent with Philippine law, international practice, and applicable regulations of the host country,” dagdag ng DFA.
Muling hinikayat ng DFA ang mga Pilipino na maging maingat sa pagtanggap ng mga alok na trabaho sa ibang bansa at tiyaking lehitimo ang mga ito bago tanggapin.
Naglabas ng pahayag ang DFA kasunod ng ulat na isang Pilipino ang na-recruit para lumaban sa gulo sa pagitan ng Russia at Ukraine at nasawi, habang isa pang Pilipino ang naiulat na bihag ng digmaan.
Noong Pebrero, isang video ni Raymon Santos Gumangan ang inilathala sa Facebook page na “I Want to Live”, proyekto ng pamahalaang Ukrainian. Ayon sa post, si Gumangan ay isang mercenary na na-recruit ng mga Ruso kapalit nang mataas na sahod.
Gayunman, sinabi ni Gumangan na na-recruit siya para sa trabahong may kaugnayan sa logistics, ngunit iba ang ipinagawa sa kanya nang makarating sa Russia.
Muling nagpaalala ang DFA sa mga Pilipino na huwag basta-basta tumanggap ng mga alok na trabaho sa ibang bansa at tiyaking lehitimo ang mga job offer bago pumayag.
- Latest























