Kanser lumalaking banta sa kalusugan
Nakakapagpaisip, nakakabahala at kailangan marahil pag-aralan ng mga kinauukulan ang panibagong mga datos mula sa Global Cancer Statistics, American Cancer Society, lalo na sa report na gawa ng mga researcher ng ACS, at ng International Agency for Research on Cancer (IARC) ng World Health Organization (WHO).
Ayon sa report, nagiging mas malaking banta sa kalusugan ng tao sa buong mundo ang kanser. Noong taong 2024 lamang, halos 21 milyong tao ang natukoy na merong kanser at 9.8 milyon ang namatay sa sakit na ito. Isa sa bawat limang tao sa daigdig ang magkakaroon ng kanser sa isang bahagi ng kanilang buhay. Isa sa bawat siyam na lalake at isa sa bawat 13 babae ang inaasahang mamamatay sa kanser.
Pagdating ng 2050, ang taunang mga kaso ng kanser ay maaaring umakyat sa 34 milyon. Kinakatawan nito ang 67 porsiyentong pagtaas kumpara noong 2024 udyok ng paglaki ng populasyon at pagtanda.
Sa mga klase ng kanser, nananatiling nangunguna sa buong daigdig ang Lung Cancer (kanser sa baga). Pangalawa ang breast cancer sa babae, pangatlo ang colorectal cancer. Sumusunod dito ang liver cancer.
Prostate cancer ang pangalawang madalas nakikita sa mga lalake at ikaapat na pangunahing dahilan ng pagkamatay sa kanser.
Sumusunod na mga pangunahing banta ang Stomach, Cervical, at Pancreatic Cancer.
Gayunman, idiniin ng mga researcher na, kahit sa pagtataya ng pagdami ng mga kaso ng kanser, malaking bahagi ng mga kaso ng mga pagkamatay sa kanser ang maaari sanang naiwasan.
Maaari namang maiwasang mamatay sa maraming kaso ng kanser kung maaga itong nakikita at nagagamot. Ibig sabihin, magpatingin na sa duktor at magpagamot bago pa ito lumubha.
Sinasabi pa sa report na bawat rehiyon sa mundo ay may mga kinakaharap na hamon sa kanser kaya bawat bansa ay kailangang merong kakaibang plano para maibsan ang lumalaking problema sa kanser. Dapat maging prayoridad ito ng bawat bansa.
“Dapat pag-ibayuhin ang pagsisikap na matulungan ang mga tao na huminto sa paninigarilyo, umiwas sa mga impeksyong may kaugnayan sa kanser, itigil ang pag-inom ng alak, magmantini ng malusog na timbang at mas madalas na mag-ehersisyo,” diin ni Dr. Ahmedin Jemal, senior vice president ng surveillance & health equity science ng American Cancer Society at co-author ng pag-aaral.
* * * * *
Email- [email protected]
- Latest















