Filipinas humirit ng 1-1 draw sa Uzbeks
MANILA, Philippines — Iniligtas ni Natalie Collins ang Philippine women’s national football team mula sa kabiguan para sa kanilang 1-1 draw kontra sa Uzbekistan sa 20th Asian Games kahapon sa Gifu Nagaragawa Stadium sa Japan.
Nailusot ng 19-anyos na si Collins ang kanyang goal laban sa depensa ni Uzbekistan goalkeeper Maftuna Jonimqulova para maitabla ang Filipinas sa ika-89 minuto ng laro.
Si Collins ay isang substitute mula sa Boise State sa US NCAA at sumalang sa kanyang senior national team debut.
Si Mehribon Egamberdieva ang unang bumutas para sa Uzbekistan matapos makatakas kay goalkeeper Olivia McDaniel sa ika-81 minuto ng labanan.
Pitong pagtatangka ng mga Uzbeks ang nasawata ni McDaniel bago nakalusot ang goal ni Egamberdieva.
Kapwa may isang puntos ang Filipinas at mga Uzbeks sa Group G.
Noong Marso ay tinalo ng Filipinas ang Uzbekistan, 2-0, sa AFC Women’s Asian Cup play-in round para makasampa sa 2027 FIFA Women’s World Cup.
Sunod na lalabanan ng mga Pinay booters ang Hong kong sa Huwebes kung saan hangad ng tropa ni Australian coach Mark Torcaso na mapalakas ang kanilang tsansa sa quarters.
Isasara ng Filipinas ang kanilang group stage assignments sa pagsagupa sa China sa Lunes.
Ang top two teams sa bawat isa sa tatlong grupo kasama ang dalawang best third-placed teams ang aabante sa knockout quarterfinals stage ng torneo.
- Latest


















