EDITORYAL - Linawin ng Senado ang proseso sa paghatol
SAMPUNG boto. Ito ang unang sinabi ni Atty. Reginald Tongol, tagapagsalita ng Senate impeachment court tungkol sa bilang na kailangan para baguhin ang patakaran sa paghatol kay Vice President Sara Duterte.
Kinabukasan, itinama niya ito: labing-isa pala, hindi sampu. Bibilangin din kasi ang boto ni Senate President Chiz Escudero sa usapin.
At dito makikita kung gaano kakumplikado ang tinatawag na “threshold” debate.
Noong Hulyo 6, itinakda ni Escudero sa 16 ang kailangang boto para ma-convict si Duterte. Batay ito sa probisyon ng Saligang Batas na nangangailangan ng pagsang-ayon ng “two-thirds of all the Members of the Senate.” Para kay Escudero, ang tinutukoy nito ay 24 na senador, kaya 16 ang kailangan.
Ngunit apat na senador ngayon ang hindi nakikilahok sa paglilitis dahil sa magkakaibang dahilan. Kung 20 aktibong senador ang gagawing basehan, maaaring bumaba sa 13 ang kailangan para sa conviction.
Pero bago mangyari iyon, kailangan munang baliktarin ang ruling ni Escudero sa pamamagitan ng 11 na boto.
Maging mga eksperto sa batas ay may magkakaibang pananaw.
Para kay dating Supreme Court Associate Justice Adolfo Azcuna, dapat manatiling 16 ang threshold hangga’t nananatiling miyembro ng Senado ang mga hindi nakadadalong senador.
Sinabi naman ni dating Chief Justice Artemio Panganiban na hindi nakaukit sa bato ang unang ruling ni Escudero at maaari itong baguhin.
Kaya tama lamang na humingi ang impeachment court ng payo mula sa apat na retiradong mahistrado bago magdesisyon.
Hindi ang pinakamataas o pinakamababang numero ang dapat manaig. Ang dapat sundin ay kung ano ang may pinakamatibay na batayan sa Saligang Batas. Kung 16 ang tama, hindi ito dapat ibaba dahil lamang mas mahirap makakuha ng conviction. Kung mas mababang threshold naman ang tama, hindi rin ito dapat tanggihan dahil maaaring pumabor sa prosecution.
Sa isang paglilitis na maaaring magpatalsik sa pangalawang pinakamataas na opisyal ng bansa, hindi puwedeng magmukhang umaayon ang patakaran kung kanino ito pabor.
Linawin muna ng Senado ang sarili nitong proseso bago ito humingi ng tiwala ng bayan sa hatol na ilalabas nito.
- Latest















