Hayop makakausap ng tao sa tulong ng AI?
Ano kaya ang mangyayari kung isang araw ay makakausap na ng tao ang mga hayop?
Parang science fiction, pero may mga researcher nang gumagamit ng artificial intelligence o AI para pag-aralan ang komunikasyon ng mga hayop.
Sinusuri ng AI ang napakaraming recording ng mga tunog ng hayop at iniuugnay ang mga ito sa kanilang kilos at sitwasyon. Sa tinatawag na playback experiments, nirerekord ang isang tunog at muling ipinaparinig sa hayop upang makita kung paano ito tutugon.
Sa ganitong paraan, maaaring matukoy kung ang isang partikular na tunog ay may kaugnayan sa panganib, pagkain, pakikipag-ugnayan o iba pang sitwasyon. Sinisikap ng mga researcher na matukoy ang mga pattern sa kanilang komunikasyon at malaman kung may partikular na kahulugan ang mga ito.
Hindi pa ibig sabihin nito na kaya nang isalin ng AI ang wika ng aso, pusa, baka, kalabaw, ibon o elepante at makipag-usap sa kanila gaya ng pakikipag-usap natin sa kapwa tao. Hindi pa natin alam kung ang mga tunog ng hayop ay maihahambing sa wika ng tao na may mga salita at pangungusap.
Pero kung magtagumpay ang mga pananaliksik, malaking bagay iyon. Maaaring mas maintindihan natin kung ang isang hayop ay natatakot, nasasaktan, nai-stress o nangangailangan ng tulong. Mas mauunawaan din natin ang kanilang pakikisalamuha at reaksiyon sa kanilang kapaligiran, gayundin ang kanilang mga pangangailangan at paraan ng pamumuhay.
Maaari ding makatulong ito sa pangangalaga sa mga hayop. Kung mas mauunawaan natin ang kanilang mga senyas, maaaring mas madaling matukoy kung may sakit, nasa panganib o nakararanas ng matinding stress ang isang hayop.
Pero may panganib din. Kung matututuhan nating basahin ang komunikasyon ng mga hayop, maaari itong gamitin sa maling paraan. Ang impormasyon tungkol sa kanilang kilos, pangangailangan o lokasyon ay maaaring pagsamantalahan ng mga mangangaso o ng iba pang taong may masamang layunin. Maaari rin itong gamitin sa pang-aabuso, panlilinlang at iba pang uri ng pagsasamantala.
Isyu rin ang privacy ng mga hayop, kung masasabi nating mayroon silang ganitong konsepto.
Maaaring kakaiba itong isipin. Ngunit kung may sarili silang paraan ng komunikasyon at pakikisalamuha, hanggang saan dapat makialam ang tao sa kanilang mundo?
Sa ngayon, hindi pa natin tunay na nakakausap ang mga hayop. Pinag-aaralan pa lamang ang kanilang mga tunog at kilos.
Ngunit maaaring dumating ang araw na mas mauunawaan na natin ang kanilang sinasabi.
At kapag nangyari iyon, hindi na lamang tanong kung makakausap natin ang mga hayop. Ang mas mahalagang tanong ay kung handa ba tayong pakinggan sila.
* * * * *
Email- [email protected]
- Latest















