Higit P199 milyong illegal drugs nasabat sa NAIA

MANILA, Philippines — Hindi nakalusot sa mga awtoridad ang estilo ng sindikatong ipinasipsip sa tuwalya at duvet ang liquid marijuana, kasama ang shabu, at kush, sa tangkang pagpuslit sa Ninoy Aquino International Airport na nagmula sa Toronto, Canada, sa ulat nitong Biyernes ng Bureau of Customs (BOC).
Sa ulat ng (BOC-NAIA), tinatayang nagkakahalaga ng P199.72 milyon ang ilegal na droga sa kargamentong naharang na kinabibilangan ng humigit-kumulang 28.3 kilo ng shabu, 4.7 kilo ng hinihinalang marijuana na “kush,” at ilang tuwalya at duvet na binabad sa hinihinalang liquid marijuana.
Idineklara bilang “personal effects,” ang kargamento subalit nang isailalim sa intelligence profiling, X-ray examination, at K-9 sweeping, nagpositibo sa indikasyon ng ilegal na droga.
Nagpapatuloy pa ang mas malalim na imbestigasyon para sa posibleng pagsasampa ng kaso laban sa mga sangkot.
- Latest


















