Legarda, Leviste naghain ng counter-affidavit sa plunder
MANILA, Philippines — Naghain na ng kani-kanilang counter-affidavit sina Sen. Loren Legarda at Batangas Rep. Leandro Leviste kaugnay ng plunder complaint laban sa kanila dahil sa umano’y iregularidad sa mga solar energy project na umaabot sa P10.44 bilyon.
Bagama’t huli na umano ang paghahain ng tugon ng mag-ina, sinabi ni Ombudsman Jesus Crispin “Boying” Remulla, na tatanggapin pa rin ito ng kanyang tanggapan at hindi ibabatay sa teknikalidad ang pag-usad ng imbestigasyon.
Aminado si Remulla na nananatiling hamon sa mga imbestigador ang kawalan sa bansa nina Legarda at Leviste dahil hindi sila agad mahihingan ng paglilinaw kaugnay ng kaso.
Ayon kay Remulla, base sa impormasyon ng Ombudsman, nasa Paris pa rin ang mag-ina at nagtungo rin umano sa Switzerland. May 60 araw ang prosecution panel upang tapusin ang preliminary investigation sa reklamo. Patuloy rin umanong pinag-aaralan ang mga legal na hakbang upang matiyak ang presensya nina Legarda at Leviste sa proseso, kabilang ang posibleng pagkansela ng pasaporte kung ituturing silang tumatakas sa hustisya.
Una nang naghain ang Department of Energy (DOE) ng reklamo sa Department of Justice laban kay Leviste at limang opisyal ng Solar Para sa Bayan Corporation (SPBC) dahil sa umano’y paglabag sa Public Service Act kaugnay ng mga solar project.
Mariin namang itinanggi ni Legarda ang mga alegasyon, iginiit na “false and baseless” ang mga paratang at walang pondo ng gobyerno ang ginamit sa mga naturang proyekto.
- Latest
























