Villegas, Delos Santos flag bearers ng Team Philippines sa ASIAD

MANILA, Philippines — Isang Olympic Games bronze medalist at isang sumisikat na batang weightlifter ang tatayong flag bearers ng Team Philippines sa opening ceremony ng 20th Asian Games sa Setyembre 19 sa Aichi-Nagoya, Japan.
Inihayag kahapon ni Philippine Olympic Committee (POC) president Abraham ‘Bambol’ Tolentino ang pagtatalaga kina 2024 Paris Olympics bronze medalist Aira Villegas ng boxing at Albert Ian Delos Santos ng weightlifting para banderahan ang pagparada ng delegasyon.
Ginawa ito ni Tolentino sa official send-off ng Team Philippines na inorganisa ng Philippine Sports Commission (PSC) sa Rizal Memorial Coliseum sa Vito Cruz, Manila.
Unang ikinunsidera ni Tolentino si Pinay tennis star Alex Eala, ang 2025 Southeast Asian Games gold medalist, bilang Team Philippines flag bearer.
Ngunit hahataw si Eala sa Singapore Open na magsisimula bago ang Aichi-Nagoya Asiad.
Sinuntok ng 31-anyos na si Villegas ang tansong medalya sa women’s light flyweight division sa Tokyo Olympics bago nag-uwi ng pilak sa flyweight class sa 33rd Southeast Asian Games sa Thailand noong Disyembre.
Bumuhat naman ang 20-anyos na si Delos Santos ng silver medal sa 2025 Thailand SEA Games at tatlong gold medals sa nakaraang Asian Youth and Junior Weightlifting Championships.
Sina Villegas at Delos Santos ang mangunguna sa pagmartsa ng 464-member Philippine delegation sa opening ceremony ng Aichi-Nagoya Asiad na nakatakda sa Setyembre 19 hanggang Oktubre 4.
Sina skateboarder Margielyn Didal at pole vaulter EJ Obiena ang tumayong flag bearers ng national contingent sa nakaraang 2023 Asiad sa Hangzhou, China.
- Latest
















