Lipat Quezon City Jail ni Romualdez napurnada
Baka atakihin sa puso
MANILA, Philippines — Hindi natuloy ang paglilipat sa Quezon City Jail kay dating House Speaker at Leyte 1st District Rep. Martin Romualdez at sa halip ay mananatili ito sa Cardinal Santos Medical Center bunsod na rin ng pangamba na atakihin ito sa puso.
Ayon sa Sandiganbayan, mananatili muna si Romualdez hanggang sa maglabas sila ng panibagong kautusan makaraang sabihin ni Dr. Rosalio Torres, team manager ng Cardinal Santos Medical Center na mataas ang panganib na makaranas ng atake sa puso si Romualdez, dahilan upang maging kritikal ang kanyang patuloy na pananatili sa ospital.
Maaaring makompromiso ang tinatawag na “golden hour” kung ililipat si Romualdez mula sa ospital patungo sa ibang pasilidad. Ang golden hour ay ang mahalagang panahon matapos lumitaw ang sintomas kung kailan kailangang agad maisagawa ang medical intervention upang maiwasan ang permanenteng pinsala sa puso o pagkamatay.
Bandang alas 4:15 naman ng hapon kahapon nang pormal nang ilagay sa kustodiya ng Bureau of Jail Management and Penology
(BJMP) si Romualdez matapos i-turn over ng Philippine National Police – Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG).
Sinabi naman ng BJMP na itinututuring na ring persons deprived of liberty (PDL) at hindi bibigyan ng anumang VIP o espesyal na pribilehiyo. Anang BJMP, susundin nila ang mga umiiral na patakaran sa pangangalaga at kustodiya sa mga nakakulong, anuman ang katayuan o posisyon ng isang indibidwal.
Una nang naglabas ng commitment order si Sandiganbayan Third Division chief Associate
Justice Karl Miranda, kaugnay ng kasong plunder na isinampa ng Office of the Ombudsman kay Romualdez, dating Ako Bicol Rep. Zaldy Co, at dalawa pang iba kaugnay ng umano’y P7.44 bilyong kickback sa mga flood control projects ng pamahalaan.
Ang Commitment Order ay inisyu ng Sandiganbayan Third Division at naka-address kay JSupt. Maria Pacion, Jail Warden ng Quezon City Jail - Male Dormitory. Magiging kakosa na nina Senador Jinggoy Estrada, Senador Rodante Marcoleta at dating Senador Bong Revilla si Romualdez.
Lunes nang ikustodiya si Romualdez ng PNP-CIDG matapos na ihain ang warrant of arrest laban sa kanya at isailalim siya sa booking procedures habang siya ay nasa hospital bed.
Si Romualdez ay na-confine sa Cardinal Santos Medical Center sa San Juan City bunsod ng cardiovascular event, mataas na blood pressure at anxiety attack.
Inamin naman ng admitting doctor ng Cardinal Santos Medical Center na si Dr. Kurt Allen Sibayan na dumiretso na sa hospital room si Rep. Martin Romualdez bandang 4 p.m. noong Lunes, Sept 7. Bagama’t may idinaraing daw noong sakit sa dibdib, hindi na dumaan sa emergency room ang kongresista.
Itinakda ng Sandiganbayan ang pagbasa ng sakdal kay Romualdez sa September 14.
- Latest

















