14 tepok sa dengue sa Albay, state of calamity idineklara

LEGAZPI CITY, Albay, Philippines — Inaprubahan ng Sangguniang Panlalawigan ng Albay sa pangunguna ni Vice Governor Farida “Diday” Co kahapon ng hapon ang resolusyong nagdedeklara sa buong lalawigan ng state of calamity dahil sa pagkasawi ng 14 katao dulot ng dengue, at patuloy ang paglobo ng bilang ng mga tinamaan ng nasabing sakit.
Sa datos na inilabas ng Provincial Health Office, nasa 1,785 ang nagka-dengue sa buong lalawigan habang 14 na ang nasawi.
May pinakamaraming nagkasakit sa Legazpi City na nasa 378 na may 5 namatay; sunod ang bayan ng Bacacay na 254 nagka-dengue, Daraga na may 188 kaso, at 2 ang nasawi; Tabaco City na may 158 kaso; Malilipot na may 130 at 1 patay; Ligao City, 102; Manito na may 86 kaso, 2 patay; Camalig, 80 at 1 nasawi; Libon, 78; Pio Duran, 60; Tiwi may 54, 1 patay; Polangui, 53; Sto.Domingo, 48 kaso, 2 patay; Oas, 34; Guinobatan, 28; Rapu-rapu, 25; Malinao, 24; at Jovellar na may 5 kaso.
Ayon kay Board Member Mila Bal, chairperson ng Committee on Crisis and Emergency Management, agad inaprubahan ng kanyang mga kasamahan sa Sangguniang Panlalawigan ang resolusyon kasunod ng rekomendasyon ni Gov. Noel Rosall na isailalim sa state of calamity ang Albay upang magamit ng mga apektadong LGUs ang kanilang calamity fund sa agarang pagtugon sa kumakalat na sakit na dala ng kagat ng lamok.
- Latest
















