Tinedyer, trader todas sa de-sabog ng caretaker

Dahil sa gagamba
LUCENA CITY, Philippines — Nagkabutas-butas ang katawan at namatay noon din ang isang 15-anyos na estudyanteng lalaki at kasama niyang negosyante makaraang pagbabarilin ng de sabog ng katiwala ng farm habang naghahanap ng gagamba ang mga biktima kamakalawa ng gabi sa Purok Jasmine, Barangay Domoit sa lungsod na ito.
Base sa ulat ni PLt. Col. Ryan Hernandez, chief of police rito, kinilala ang mga biktima na sina Red at Manny, 26, kapwa taga-Barangay Market View, Lucena City.
Nahaharap naman sa kasong 2-counts of murder at nakapiit na ang suspek na si alyas “Elton”, 38, may-asawa, tubong Negros Occidental at naninirahan sa Barangay Domoit.
Sa inisyal na imbestigasyon ni Patrolman Christian Salvan, alas-10:30 ng gabi ay naghahanap ng gagamba ang dalawang biktima at dalawa pa nilang kaibigan sa farm na pinangangasiwaan ng suspek.
Lingid sa kaalaman ng mga biktima ay tinutugaygayan na sila ng suspek at nang makakuha ng pagkakataon ay pinaputukan sila ng de sabog nang makailang beses.
Dahil sa tindi ng mga tama, agarang namatay ang dalawa habang mabilis na nakatakbo ang dalawa nilang kaibigan nang marinig ang mga putok ng baril.
Mabilis namang naaresto ang suspek ng mga nagrespondeng barangay tanod.
- Latest
















