P240 border fee, pinakamura sa buong mundo - BI

MANILA, Philippines — Ipinagtanggol ni Bureau of Immigration (BI) Commissioner Joel Anthony Viado ang panukalang P240 service fee para sa modernized border security system, na aniya ay mas mababa kumpara sa singil sa ibang bansa.
Sa pagdinig ng House of Representatives sa panukalang 2027 budget ng Department of Justice at mga attached agencies nito, sinabi ni Viado na $4 o humigit-kumulang P240 ang sisingilin sa bawat international traveler, o P480 para sa round-trip. Isasama ang bayad sa airline ticket.
Bahagi ito ng P10.74 bilyong public-private partnership project na iminungkahi ng US-based Securiport LLC para maglagay ng integrated border security platform sa 11 airport at border points sa bansa.
Sa ilalim ng Build-Train-Maintain-Transfer scheme, pribadong partner ang sasagot sa gastos sa proyekto at babawiin ito sa pamamagitan ng service fee. Ayon kay Viado, mas mababa ang panukalang singil kumpara sa Australia na nasa P2,600, Singapore P2,400, Japan P1,200, Hong Kong P1,500 at Thailand P1,800 kada pasahero.
Binigyang-diin ni Viado na hindi buwis ang P240 kundi service fee para pondohan ang sistema na may facial recognition, behavioral analytics at access sa Interpol databases para mapalakas ang border security at pagtukoy sa mga posibleng banta.
- Latest
















