Ebidensya sa ‘tagong yaman’ ni Sara hawak ng prosec

MANILA, Philippines — May sapat na mga dokumento at ebidensya ang House prosecution panel upang patunayan ang alegasyon ng hindi maipaliwanag na yaman laban kay Vice President Sara Z. Duterte, habang naghahanda ang paglilitis na pumasok sa isang yugto na inaasahang magiging isa sa mga pinakamahigpit na sinusubaybayan ng publiko.
Ito ang pahayag ni Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong, tagapagsalita ng House prosecution panel, matapos ibigay ng Senate Impeachment Court sa prosekusyon ang mga subpoenaed na kopya ng mga rekord sa bangko at buwis ni Duterte at ng kanyang asawa, gayundin ang mga rekord pinansyal ng kanilang mga kumpanya. Ang mga ito ay ihaharap bilang ebidensya sa ilalim ng Article II.
“Well, what I can tell you is that we have enough evidence, we have the goods on Vice President Sara Duterte, we have the sufficient materials and documents to present before the court,” pahayag ni Alonto Adiong.
Inaakusahan sa Article II si Duterte ng culpable violation of the Constitution at betrayal of public trust dahil umano sa pag-iipon ng yaman na hindi naaayon sa kanyang legal na kinikita, hindi pagsisiwalat ng kanyang mga ari-arian at interes sa negosyo sa kanyang Statements of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN), at pagpapanatili ng mga interes sa negosyo habang nanunungkulan sa gobyerno.
Gayunman, tumanggi si Alonto Adiong na ibunyag ang mga partikular na bagay na inaasahan ng prosekusyon na mapatutunayan ng mga dokumento hangga’t hindi pa pormal na naihaharap ang mga ito sa mga senador-hukom.
“But I cannot give you the exact detail on that but it’s something that the public should, ano, should anticipate, and I think it’s something that the public should watch, no, kasi it will keep you at the edge of your seat, ika nga,” ani Alonto Adiong.
Nasa pagtatapos na ang prosekusyon sa paglalahad ng mga ebidensya sa ilalim ng Article I, na nag-aakusa kay Duterte ng culpable violation of the Constitution, graft and corruption, at betrayal of public trust kaugnay ng umano’y maling paggamit at mga iregularidad sa paggamit ng P612.5 milyon na confidential funds mula sa Office of the Vice President at Department of Education.
Sinabi ni Alonto Adiong na inaayos na ng prosekusyon ang kanilang presentasyon ng mga testigo at ebidensya alinsunod sa pinalawig na iskedyul ng paglilitis na itinakda ng impeachment court.
- Latest

























