Tama ba ang pagtanggal sa probationary employee?
Dear Attorney,
Messenger po ako at probationary employee. Kamakailan, ay tinanggal ako sa trabaho dahil hindi raw ako pumasa sa standards ayon sa aking evaluation, ngunit hindi naman po nila sinabi sa akin kung paano ang standards na iyon mula pa noong ako ay nagsimulang magtrabaho sa kanila. Tama po ba ang ginawa nilang pagtanggal sa akin? — Deo
Dear Deo,
Sa ilalim ng Article 296 ng Labor Code, ang isang probationary employee ay maaaring tanggalin kung nabigo siyang makapasa sa standards o pamantayan na dapat ay ipinaalam sa kanya ng employer sa panahon ng kanyang pagkakatanggap sa trabaho. Mahalagang ipinaalam ang pamantayan sa empleyado sa simula pa lamang upang magkaroon siya ng sapat na pagkakataong maabot ang mga ito.
Ngunit may exception din sa requirement na dapat ay ipinapaalam sa empleyado ang pamantayan para siya ay makapasa for regularization. Ayon sa Korte Suprema sa kaso ng Abbott Laboratories v. Alcaraz (G.R. No. 192571, 23 July 2013), kung self-descriptive o sa titulo palang ng posisyon ay malalaman na kaagad kung ano ang dapat asahan sa isang empleyado, ipagpapalagay na alam na ng probationary employee ang standards na dapat niyang mapantayan para siya ay ma-regularize.
Maaring kasama ang trabaho mo sa exception na ito. Ayon kasi sa nabanggit kong kaso, ang isa sa mga halimbawa ng mga self-descriptive na posisyon ay ang messenger, bukod sa maids, cooks, at drivers. Kung self-descriptive nga ang iyong posisyon ay maaring hindi na nga kailangang ipaalam sa iyo ng tahasan ang standards ng iyong trabaho dahil dapat ay alam mo na ito sa pangalan pa lamang ng iyong posisyon. Ibig sabihin, maari ka talagang tanggalin kaagad kung hindi pa natatapos ang iyong probationary period at para sa employer mo ay hindi sapat ang iyong naging performance sa trabaho.
Iyan ay base lang naman sa iyong inilahad at posibleng may iba pang detalye ukol sa iyong employment na hindi ka nabanggit. Kung may kakayahan ka ay mabuting magkaroon ka pa ng personal na konsultasyon sa isang abogado, upang mailahad mo ng buo at maipasuri mo sa kanila ang iyong sitwasyon. Ngunit kung hindi ito posible, maaari kang dumulog sa pinakamalapit na tanggapan ng DOLE at humingi ng tulong sa ilalim ng Single Entry Approach (SEnA). Ito ay isang libreng proseso kung saan maaring pag-usapan ang isyu mo sa iyong employment.
- Latest















