^

Punto Mo

OFW, hanggang kailan kailangan ng mundo?

(AGHAM AT TEKNOLOHIYA) PANDAYAN - Ramon M. Bernardo - Pang-masa

Milyun-milyon ang mga Pilipinong nagtatrabaho sa iba’t ibang bahagi ng mundo sa kasalukuyan. Malinaw na indikasyon na patuloy na nangangailangan ang maraming bansa ng mga manggagawang Pilipino.

Ngunit nagbabago ang panahon.

Napakalayo na ng dekada 70 nang magsimulang dumami nang malaki ang mga OFW lalo na sa Gitnang Silangan. Nga­yon, may bagong manggagawang pumapasok sa pandaigdigang labor market: ang robot at artificial intelligence o AI na kayang gumawa ng ilang gawaing dati ay kailangang gawin ng tao.

Dumarami ang gumagamit ng robot at AI sa mga pabrika, ospital, paaralan, opisina, restawran, hotel, shopping mall, retail, pulisya, militar, airport, farms, bodega, sasakyan, call center, mga gawaing bahay, libangan, at iba pa.  Sa mga pagbabagong ito, hanggang kailan kailangan ng mundo ang OFW?

Hindi naman nangangahulugan na bukas o sa susunod na taon ay papalitan na ng robot ang mga OFW. Wala ring sapat na datos hinggil dito. Ngunit hindi rin natin maaaring ipagwalang-bahala ang posibilidad.

Ang mga bansang kumukuha ng mga manggagawang Pilipino ay gumagamit din ng teknolohiya upang mapabilis at mapababa ang gastos sa kanilang mga operasyon. Habang nagiging mas mahusay ang mga makina, may mga trabahong dating kailangang gawin ng tao na maaari nang ipaubaya sa mga ito. Maaaring hindi na kailanganin ang mga OFW para sa ilang ganitong trabaho.

Ngunit may mga trabaho namang hindi madaling palitan ng makina. Mahirap isipin ang isang robot na ganap na papalit sa isang caregiver na kailangang umunawa sa damdamin ng isang matanda, sa isang nurse na kailangang gumawa ng mabilis na desisyon sa harap ng pasyente, o sa isang taong kailangang makipag-usap, umunawa at makitungo sa ibang tao.

Kaya maaaring hindi ang OFW mismo ang mawala. Ang maaaring mawala ay ang ilang uri ng trabaho na karaniwang ginagawa ng OFW.

Dito kailangang magsimulang mag-isip ang Pilipinas. Kung patuloy na umuunlad ang AI at robot, baka kailangang higit na isulong ang pananaw na ang pangingibang-bansa ay dapat maging isang pangarap at hindi isang pangangailangan. Kailangang lutasin ang mga dahilan kung bakit maraming Pilipino ang napipilitang maghanap ng trabaho sa ibang bansa.

Hindi natin alam kung kailan mababawasan ang pangangailangan ng mundo sa mga OFW, kung mababawasan nga, dahil sa mga robot at AI. Ang alam natin, mabilis na nagbabago ang paraan ng pagtatrabaho.

At marahil, iyon ang pinakamahalagang dapat paghandaan: hindi kung kailan mawawala ang OFW, kundi kung kailan darating ang panahon na hindi na kailangang umalis ng Pilipino para lamang magkaroon ng disenteng trabaho at magandang buhay.

• • • • •

Email- [email protected]

 

OFW

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with