Puro satsat lang, kulang naman sa gawa!
NANG dahil sa pagkakasangkot ng mga kabataang estudyante sa gun shooting sa mga paaralan ng Tacloban at Zamboanga abay, nagtilamsikan na naman itong laway ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla at ipinanunukala nito na magkaroon ng actual visitation sa mga bahay-bahay ng mga responsible gun owner sa bansa. Kung titingnan natin itong balakin ni Secretary Remulla, malaking tulong ito sa publiko dahil makikilala ng sambayanan itong mga may tinatagong baril sa kani-kanilang mga tahanan.
Subalit mukhang hindi naman sang-ayon dito itong mga responsible gun owner na basta na lamang papasukin sa kani-kanilang mga pribadong bahay ang mga mag-iinspection na mga kapulisan. Sabi ni Remulla, ang pagkakaroon ng lisensyadong baril ay pribilehiyo lamang ng pamahalaan para sa mga sibilyang nagkakaroon ng baril na pamproteksyon sa kanilang buhay at ari-arian. Kaya naman, nangangamba itong mga responsible gun owners sa panukala nitong si SILG Remulla na kailangan na mainspeksyon ang mga pinagtataguan ng baril upang masigurong ‘Safe’ ito sa mga kabataan.
Sa puntong ito, may tama ka SILG Remulla! Ang tanong, sino-sino ang magsasagawa ng inspeksyon? Ang mga kapulisan mo ba o ikaw mismo ang mangunguna sa pagpatupad nito? Kasi nga, hindi naman kaila sa madlang pipol na medyo nawawalan na ng tiwala ang mga sibilyan sa ating mga kapulisan dahil na rin sa mga naging kapalpakan at kabulastugan na naipamalas ng iilang pulis sa ating mamamayan. At ngayon na dismayado na kayong masugpo itong mga “Loose Frirearms” sa lahat ng sulok ng bansa, ay basta na lamang ninyo ikukumpas sa iyong mga alagad na pasukin ang mga bahay-bahay ng mga responsible gun owner?
Ito tuloy ang nakakagulo sa isipan ng mga responsible gun owner dahil sa totoo lang halos dadaan ka sa butas ng karayom bago ka makakuha ng lisensiya ng baril. Hehehe! Kaya naman, simbilis ng kidlat na nagpasaklolo sa Korte Suprema itong mga responsible gun owner dahil oras na umarangkada ang mga ito tiyak na maraming alingasngas na naman ang mamumutawi sa imahe ng kapulisan. Patunay kaya ito na, hindi pa tuluyang naibabalik ang tiwala ng madlang pipol sa ating mga kapulisan at oras na umarangkada itong panukala ni SILG Remulla tiyak na magiging puntirya na naman ng ilang tiwaling pulis ang mga responsible gun owner dahil madali nilang ma-Pugo o masindak. Hehehe! Di ba mga suki?
Kaya’t kung nais ni Remulla na mapigilan o mabawasan itong mga insidente ng karahasan sa mga eskwelahan, panahon nang idakdak sa ating mga mambabatas na baguhin ang batas sa mga kabataan at higpitan ang pagbibigay ng lisensiya sa mga sibilyan upang maiwasan ang pagkalat ng baril. Isama mo na rin diyan ang pagsagawa ng mahigpit na checkpoint upang masigurong walang mga dalang baril ang mga salarin. Abangan!
- Latest
















