Ekonomiya ng Occidental Mindoro, umarangkada
MANILA, Philippines — Umarangkada ang ekonomiya ng Occidental Mindoro matapos umakyat sa 11.2 porsiyento ang economic growth ng lalawigan mula sa dating 2.1 porsiyento, ayon kay Occidental Mindoro Lone District Rep. Leody “Odie” Tarriela. Aniya, ipinapakita nito na magkaugnay ang kapayapaan at kaunlaran.
Sa FAQCheck press conference, sinabi ni Tarriela na hindi sapat ang operasyong panseguridad upang tuluyang wakasan ang insurhensya at kailangang maihatid sa mga dating conflict-affected communities ang kalsada, kuryente, kabuhayan, at pangunahing serbisyo ng gobyerno. Pito sa 11 munisipalidad ng lalawigan ang nakamit ang insurgency-free status pagsapit ng 2024.
Binigyang-diin ni Tarriela ang pagbuti ng suplay ng kuryente at pagpasok ng mga proyektong pangkaunlaran na nagbukas ng mas maraming oportunidad sa negosyo at trabaho. Kabilang dito ang infrastructure project sa Magsaysay sa ilalim ng FY 2026 LGSF-Support to the Barangay Development Program (SBDP), gayundin ang mga farm-to-market road sa Sablayan na nag-uugnay sa mga liblib na komunidad sa pamilihan, paaralan, at health facilities.
Pinasalamatan ni Tarriela si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at ang NTF-ELCAC sa pagpapatupad ng Barangay Development Program.
Nanawagan siyang palawakin at patuloy na pondohan ang programa upang mas maraming dating conflict-affected communities ang makinabang sa imprastraktura, serbisyo, at kabuhayan, na aniya’y makatutulong sa tuluyang paghupa ng insurhensya.
- Latest

















