Sunog sa Mandaluyong: 3 paslit todas!

MANILA, Philippines — Dead-on-the-spot ang magkapatid na 2 at 4 na taong gulang na paslit habang idineklarang dead-on-arrival sa ospital ang 7-anyos na kaanak makaarang ma-trap sa sunog na naganap sa isang 4-storey apartment sa Brgy. Addition Hills, Mandaluyong City, kamakalawa ng gabi.
Ayon sa ulat ng Bureau of Fire Protection Mandaluyong, natanggap nila ang tawag dakong alas-7:30 ng gabi at agad namang naapula. Subalit sa kuwarto sa ika-apat na palapag, natagpuan ang magkapatid habang ang kamag-anak ay nakalabas ng silid at naisugod pa sa pagamutan subalit binawian din ng buhay dahil sa tinamong mga paso, sugat, at suffocation.
Sa inisyal na ulat, sa mismong ika-apat na palapag nagsimula ang apoy na naapula ilang minuto lamang dahil sa pagresponde ng mga bumbero.
“Yung dalawa, talagang na-trap na sila sa loob, yung 2 years old and 4 years old. Yung 7 years old nagawa pang makagapang palabas nung kwarto, nang makita siya ng mga responder natin, dinala agad siya sa ospital,” sabi ni Fire Senior Inspector Bryan Acidre Pillula, Chief Operations ng BFP Mandaluyong. Nasa trabaho umano ang mga magulang ng mga biktima at naiwan ang mga bata.
Wala namang nadamay na iba pang bahay sa sunog dahil yari sa konkreto ang sangkot na bahay.
Patuloy pang inaalam ang sanhi ng sunog.
- Latest




















