Sa alegasyon vs Romualdez‘Burden of evidence’ nasa prosecution - FLAG lawyer
MANILA, Philippines — Tungkulin ng mga naghain ng kaso laban kay dating House Speaker Martin Romualdez na patunayan ang kanilang mga paratang matapos pabulaanan ng kampo ng mambabatas ang umano’y paghahatid sa kanya ng malalaking halaga ng pera.
Ayon kay Free Legal Assistance Group (FLAG) at Movement of Attorneys for Brotherhood, Integrity and Nationalism Inc. (MABINI) lawyer Antonio “Audie” Bucoy, direktang hinarap ng depensa ang mga ebidensyang unang iniharap laban kay Romualdez sa imbestigasyon ng Office of the Ombudsman.
Sinabi ni Bucoy na una umanong lumitaw ang 18 tinaguriang “maleta boys”, ngunit walo lamang ang pinili ng Ombudsman bilang mga testigong magpapatibay sa mga alegasyon laban kay Romualdez.
Ipinaliwanag ng abogado na magkaiba ang burden of proof at burden of evidence. Aniya, nananatili sa prosekusyon ang burden of proof o tungkuling patunayan ang mga alegasyon laban sa inaakusahan, alinsunod sa presumption of innocence.
Samantala, maaaring magpalipat-lipat ang burden of evidence sa magkabilang panig depende sa mga ebidensyang inihaharap. Kapag napabulaanan ng depensa ang ebidensya ng prosekusyon, maaari umanong bumalik sa prosekusyon ang pasanin na magharap ng karagdagang ebidensya.
Iniimbestigahan ng Ombudsman si Romualdez kaugnay ng mga alegasyong nag-uugnay sa kanya sa umano’y paghahatid ng pera na nagmula sa mga maanomalyang flood control projects. Kabilang sa mga pinagbatayang salaysay ang pahayag ng ilang dating security personnel ni dating Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co.
- Latest























