Tserman, 1 pa nalunod sa tumaob na bangka!

BAYOMBONG, Nueva Vizcaya, Philippines — Dalawa katao ang nasawi kabilang ang isang dating kapitan ng barangay habang anim na iba pa ang isinugod sa pagamutan matapos tumaob ang sinasakyang bangka sa Magat River sa pagitan ng Barangay Paitan at Barangay District 4 ng bayang ito nitong Miyerkules.
Kinilala ang mga nasawi na sina Danilo Degamo, 63, dating tserman at residente ng Barangay Paitan at kasalukuyang personnel ng Traffic Management Office ng LGU-Bayombong, at Anita Batangas, isang senior citizen.
Nakaligtas naman ang iba pang sakay ng bangka na kinabibilangan ng dalawang operator ng bangka, isang tricycle driver, isang senior citizen, at isang estudyante. Ang isa pang senior citizen ang matagumpay na nasagip ng isang residente na noon ay nasa gilid ng ilog.
Ayon kay Major Anthony Ayungo, hepe ng Bayombong Police, patawid ang bangka sa ilog ng Magat lulan ang mga biktima kabilang ang tatlong tricycle nang biglang tumaob dahil sa lakas ng hangin pasado alas-7:00 ng umaga.
Agad nagsagawa ng search and rescue operation ang PDRRMO Nueva Vizcaya, PNP, BFP, MDRRMO ng Bayombong, at Quezon katuwang ang NV Emergency Response Team (NV-ERT) na nagresulta sa pagkarekober sa mga bangkay ng kapitan at senior citizen sa bahagi ng Brgy. Maddiangat, bayan ng Quezon, ilang kilometro ang layo matapos tangayin ng agos ng ilog.
- Latest



















