Social media, marketplace ng ilegal na droga?

MANILA, Philippines — Nagbabala si Las Piñas Lone District Rep. Mark Anthony Santos sa umano’y paggamit ng mga illegal drug dealer at criminal group ng social media upang maabot ang mga kabataan, sa kabila ng mga patakaran ng online platforms na nagbabawal sa pagbebenta at promosyon ng ilegal na droga.
Ayon kay Santos, chairman ng House Committee on Dangerous Drugs, ginagamit umano ng ilang drug dealer ang mga platform gaya ng Messenger at Viber para makahanap ng mga potensyal na mamimili.
Aniya, mabilis maka-adopt ang mga kriminal sa teknolohiya at ginagamit ang mga digital platform na karaniwang ginagamit ng mga kabataan.
Batay sa mga pag-aaral na binanggit ng mambabatas, kabilang sa mga ilegal na drogang madalas ibinebenta online sa Pilipinas ang shabu, marijuana, ecstasy at cocaine. Gumagamit umano ang ilang nagbebenta ng mga coded words, emojis at iba pang paraan upang maitago ang kanilang transaksyon at makaiwas sa pagtukoy ng mga awtoridad at online platforms.
Nagbabala rin si Santos na hindi lamang droga ang panganib sa mga kabataan online, dahil maaari rin umanong gamitin ng criminal at extremist groups ang social media at online games para sa recruitment at pananamantala.
Nanawagan siya ng mas mahigpit na pagbabantay at pagtutulungan upang maprotektahan ang mga kabataan laban sa mga banta sa digital platforms.
- Latest





















