13-anyos nabulag sa suntok ng estudyanteng bully!

MANILA, Philippines — Hustisya ang sigaw ng isang pamilya para sa kanilang 13-anyos na anak na lalaki na nabulag ang isang mata matapos suntukin ng nambu-bully sa kanya na 12-anyos na kapwa estudyante sa Brgy. Quezon Hill Proper, Baguio City.
Ang pamilya ng biktima ay dumulog sa tanggapan ni Baguio City Police Office Director P/Col. Ruel Tagel at inireklamo ang insidente.
Sa imbestigasyon, ang insidente ay nangyari noong Agosto 20 dakong alas-2:10 ng hapon matapos na pagsusuntukin ng 12-anyos ang biktima na may mga kasama umano kaya hindi siya nakapalag.
Ang bata ay dinala sa Baguio General Hospital and Medical Center matapos na mamaga ang bahagi ng kaliwang mata nito at dumaing na masakit ito.
Matapos gamutin ang bata, hindi na naisalba ang isang mata nito dahil sa tinamong matinding pinsala. Nitong Agosto 23, lumabas na sa ospital ang biktima pero bulag na ang kaliwang mata nito bunga ng pagkakasuntok sa kaniya ng pasaway na estudyante.
Sa clinical abstract ng mga doktor, nagtamo ng pinsala ang kaliwang bola ng mata at paligid nito bunsod upang mawalan ito ng paningin.
Sa ulat ng Baguio City Police, ang 12-anyos na suspek ay ipinasa sa City Social Welfare and Development dahil sa pagiging menor-de-edad sa ilalim ng Republic Act (RA) 9344 o ang Juvenile Justice and Welfare Act.
- Latest
















