3-anyos kinatay ng naburyong na ama!

MANILA, Philippines — Mistulang sinapian ng masamang espiritu ang isang 29-anyos na ama matapos nitong paslangin sa saksak ang 3-anyos na anak na batang lalaki sa Brgy. Lacong, Tagudin, Ilocos Sur nitong Biyernes, ayon sa ulat kahapon.
Sa ulat ng Ilocos Sur Provincial Police Office (PPO) nangyari ang insidente sa tahanan ng pamilya sa nasabing lugar.
Ayon sa imbestigasyon, dakong ala-1 ng madaling araw noong Biyernes ay narinig pa ng lola ng bata na pinagagalitan ng kaniyang ama ang anak na umiiyak sa insidente.
Gayunman, dakong alas-11 ng umaga ay nagduda ang lola ng biktima matapos na mapansin na hindi lumalabas ng kuwarto ang apo.
Nang buksan ang pinto ng kuwarto ay nakita ng matanda na nababalutan ng kumot ang bata at ng alisin niya ito para gisingin ang biktima ay laking gulat niya ng makitang duguan ang dibdib nito.
Habang tumakas naman ang suspect matapos na krimen na hindi na inabutan ng mga pulis na nagresponde sa crime scene. Wala namang narekober na patalim ang mga awtoridad sa insidente na tinangay nito sa pagtakas.
Agad na isinugod sa pagamutan ang biktima pero idineklarang dead-on-arrival sanhi ng malalalim na saksak na tinamo sa katawan.
Isinasailalim pa ng pulisya sa masusing imbestigasyon ang motibo ng krimen at ano ang nagtulak sa suspect para kitilin ang buhay ng sarili nitong anak.
- Latest






















