EDITORYAL— Ano ang aasahan sa Pax Silica?
MALAKING usapin ngayon ang Pax Silica, sa kung paano ito dapat suportahan at kung gaano kahigpit itong dapat bantayan dahil sa posibleng epekto nito sa ekonomiya, kalikasan at pambansang interes. Pero hindi rin maitatanggi ang potensyal nito.
Maaari itong magdala ng foreign investors, semiconductor companies, bagong trabaho, at mas malalim na koneksyon ng Pilipinas sa global chip industry.
Ngunit sa isang pag-aaral na inilabas kamakailan ng University of the Philippines, may malinaw na babala: kung assembly, testing at packaging lamang ulit ang magiging papel ng Pilipinas, maaaring bago ang economic zone pero luma pa rin ang modelo.
Parehong pumasok ang Pilipinas at Taiwan sa semiconductor industry noong late 1960s bilang low-cost sites para sa assembly, testing at packaging. Pero habang nanatiling nakasentro ang Pilipinas sa back-end work, agresibong nagtayo ang Taiwan ng mas malawak na industriya, mula chip design at fabrication hanggang advanced packaging. Ngayon, Taiwan ang pinagmumulan ng tinatayang 90 percent ng world’s most advanced chips.
Hindi aksidente ang naging agwat. Dahil hindi lamang nagtayo ng industrial parks ang Taiwan. Namuhunan sila sa research, engineering at technical education. Samantala, ayon sa pag-aaral, nanatiling mababa ang pondo ng Pilipinas para sa science and technology noon.
May research din mula sa Bataan Export Processing Zone. Nakahikayat ito noon ng malalaking foreign manufacturers, ngunit hindi sapat ang naging technology transfer at koneksyon sa local economy. Maraming economic zones ang nauwi sa pagiging tila magkakahiwalay na enclaves na mahina ang ugnayan sa local suppliers at innovation.
Ito ang hindi dapat maulit sa Pax Silica. Hindi sapat na magtayo ng magandang economic zone, magbigay ng incentives at maghintay ng foreign companies. Kailangan ding sabayan ito ng investment sa Filipino engineers, technicians at scientists. Kailangan ng university research, local suppliers, startups, fabrication facilities at malinaw na technology transfer. Ito rin ang direksyong inirerekomenda ng UP study.
Kung hindi, maaaring dumami nga ang semiconductor companies sa Pilipinas ngunit manatili tayong “factory” lamang ng teknolohiyang dinisenyo at pag-aari ng iba. Ang tunay na sukatan ng Pax Silica ay hindi kung ilang foreign company ang papasok sa bansa. Ang tanong ay kung pagkalipas ng 10 o 20, assembler pa rin ba tayo? Hindi sapat na “Made in the Philippines.” Dapat dumating ang panahong kaya rin nating sabihing: “designed, developed, at innovated by Filipinos”.
- Latest















