Boss Jonvic, naisahan ng ‘slot for sale’ sa BFP!
WALANG takot kay Interior Secretary Jonvic Remulla itong mga nasa likod ng patuloy na “slots for sale” sa mga aplikante sa Bureau of Fire and Protection. Nitong nagdaang mga buwan lang, inumpisahan ni Boss Jonvic ang paglinis nitong BFP, na tinawag n’yang pinaka-corrupt na ahensiya ng gobyerno, sa ilalim ng pinangasiwaan n’yang mga opisina. Hindi lang naman mga overpriced na mga firetrucks, kundi maging “slots for sale” nga. Sa katunayan, sinibak ni Boss Jonvic ang hepe ng BFP sabay banta na lisanin na nila ang paggatas sa mga aplikante. Kaya lang napatunayan naman ni Col. Grant Gollod ng CIDG-RFU3 na hindi huminto sa raket nilang “slots for sale” itong taga-BFP ng maaresto nila sa entrapment operation ang isang personnel nito na humihingi ng P500,000 sa isang aplikante. Araguyyyyy! Hehehe! Kelangan pa bang i-memorize ‘yan?
Ang pagkakamali lang ng BFP personnel ay ginamit n’ya ang social media para maka-engganyo ng mga aplikante sa raket n’ya. Siyempre, binantayan ni Gollod ang dummy account n’ya. ‘‘Well, once the applicants were on the BFP FB page, he would randomly contact them using his dummy account. So when someone responded, the transaction would begin,” ayon kay Gollod sa press briefing sa Camp Crame. Sa unang salpukan ng complainant, ipinakita ng suspect ang BFP ID n’ya sabay pagyayabang na marami na s’yang na-recruit, at umabot pa s’ya hanggang Laguna. Dito na humingi ng P500,000 ang suspect sa biktima para makapasok s’ya sa BFP, hanggang ang presyo ay bumaba sa P300,000. Hehehe! Ambot sa kanding nga may bangs!
Ayon kay Gollod, bago maaresto ang suspect nitong Agosto 24 sa parking lot ng isang food chain sa Bgy. Maimpis, San Fernando City, Pampanga, may apat na itong transaksiyon kung saan binayaran s’ya ng tig-P100,000. Kawawang mga biktima. Sa debriefing sa kanya, inamin ng suspect na may mas senior pa sa kanya na nasa likod ng naturang raket. Itong opisyal ng BFP ang nag-aayos ng mga papeles ng aplikante. Inaarok na ni Gollod ang pagkakilanlan ng BFP opisyal para maisama ito sa kaso. Behhhhh buti nga! Hehehe! Kanya-kanyang gimik lang ‘yan!
Sinabi naman ni BFP spokesperson F/Supt. Anthony Arroyo na may 2,504 slots silang available para sa 2026, subalit ang applicants ay lumagpas na sa 20,000. Dahil sa kokonting slots ang kukunin kaya’t maaring ang ibang aplikante ay naganyak na magbayad na lang sa sindikato, kahit may warning pa ang BFP laban dito. Abangan!
- Latest















