Bahay ng mga ‘gun owners’, papasukin ng PNP
Upang masigurong ligtas ang pagkakatago…
MANILA, Philippines — Upang masigurong ligtas at maayos ang pagkakatago ng mga legal na armas ay nais ni DILG Secretary Jonvic Remulla na amyendahan ang Implementing Rules and Regulations (IRR) ng Republic Act No. 10591 o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.
Sa pagharap ni Remulla sa House Committee on Appropriations, sinabi nito na nais niyang maayendahan ang Implementing Rules sa mga baril at mabigyan kapangyarihan ang mga pulis na mag-inspeksiyon para matiyak na hindi magkakaroon ng access rito ang mga menor-de-edad.
Ang plano ay magkaroon ng access ang Philippine National Police (PNP) sa mga tahanan ng mga may-ari ng baril—kabilang ang mga uniformed personnel na may “lawfully issued firearms” para masuri ang kanilang safekeeping procedures.
Ayon sa panukala, pagsasabihan o aabisuhan muna nang maaga (informed ahead of time) ang mga gun owner bago isagawa ang pagbisita; hindi ito biglaang pagpasok.
Isinulong ito matapos ang magkahiwalay na kaso ng shooting incidents sa mga eskwelahan sa Tacloban at Zamboanga. Gumamit ang mga menor-de-edad na suspek ng mga baril na pagmamay-ari ng kanilang mga kamag-anak (na pulis at security agent) dahil hindi ito nakatago nang maayos.
Bagama’t alam ni Remulla na maaaring ikagalit ito ng iba dahil sa isyu ng privacy, binigyang-diin niya na ang pagmamay-ari ng baril ay isang pribilehiyo at hindi isang karapatang nakasaad sa konstitusyon.
Sa kasalukuyan,ito ay panukala pa lamang na isiniwalat sa pagdinig ng badyet sa Kamara, at kailangan muna ng pormal na pagbabago sa IRR bago ito opisyal na maipatupad ng pulisya.
Ang DILG ay humihirit ng P332.5 bilyong pondo para sa taong 2027 kung saan P242.5 bilyon dito ay para sa PNP.
- Latest



















