‘2nd placer rule’ sa local elections, ibinasura ng SC
MANILA, Philippines — Isinapinal na ng Korte Suprema ang kautusan nito na nagbabasura sa tinatawag na “second placer rule” sa lokal na halalan.
Sa isinagawang sesyon ng Supreme Court (SC) en banc kamakalawa, nabatid na pinagtibay nito ang nauna nitong kautusan na pinal na nagbabasura sa apelang inihain ni Datu Pax Ali Mangudadatu.
Matatandaang ang kandidatura o certificate of candidacy (COC) ni Mangudadatu sa pagka-gobernador ng Sultan Kudarat ay una nang kinansela.
Nanindigan din ang mataas na tribunal na sa ilalim ng Local Government Code, ang isang vacancy o nabakanteng posisyon na bunsod ng diskuwalipikasyon ng isang nanalong lokal na kandidato ay dapat na punuan sa pamamagitan ng succession rules at hindi ng second placer rule.
Nabatid na sa kaso ni Mangudadatu, nagdesisyon ang Korte Suprema na ang bise gobernador ang dapat na mag-takeover sa gobernador, sa halip na ipagkaloob ang puwesto sa kandidatong pumangalawa sa halalan.
Matatandaang dati ay pinahihintulutan ang pagpapairal ng second placer rule sa ilang election cases.
Sa ilalim nito, ang kandidatong nakakuha ng ikalawang pinakamataas na boto ay idinideklarang nanalo kung ang nangunang kandidato ay natuklasang ineligible o diskuwalipikado sa eleksiyon.
Gayunman, binigyang-diin ng SC na walang batas na nag-awtorisa sa second placer rule.
Ipinaliwanag pa nito na ang kinikilala lamang ng Konstitusyon na halal na kandidato ay ‘yung nakakuha ng pinakamataas na boto sa eleksiyon.
- Latest


















