Misis na ‘Marites’, tinodas ng kapitbahay

MANILA, Philippines — Namatay habang nilalapatan ng lunas sa ospital ang isang misis nang ataduhin ng saksak ng kapitbahay nitong lalaki na nagalit sa ginagawa umano nitong tsismis laban sa kanya naganap, kamakalawa ng gabi sa Sitio Malabon, Brgy. Salawag, Dasmariñas City, Cavite.
Ang biktimang nasawi dahil sa tinamong mga saksak sa katawan ay kinilala sa alyas “Marya,” nasa hustong gulang, residente ng nasabing lugar.
Lumalabas sa imbestigasyon ng pulisya, bago naganap ang krimen, alas-7:30 ng gabi ay matagal nang may galit ang suspek na si alyas “Tudio,” nasa hustong gulang sa biktima na umano ay gumagawa ng tsismis laban sa kanya.
Lumabas ang biktima para bumili ng pagkain nang harangin siya ng suspek na nagkaroon ng mainitang pagtatalo.
Habang nagtatalo ay bumunot ng patalim ang suspek at inatado ng saksak ang biktima sa katawan at nang duguang bumagsak ay tumakas ang suspek.
Ang biktima ay isinugod sa pagamutan, subalit namatay ito habang ginagamot habang ang suspek ay patuloy na pinaghahanap ng pulisya.
- Latest



















