Manila LGU naka-high alert laban sa leptospirosis

MANILA, Philippines — Naka-high alert ang Manila City Government laban sa leptospirosis matapos ang biglaang pagtaas ng mga kaso kasunod ng pagbaha dulot ng mga bagyo at habagat. Dahil dito, ipinag-utos ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso sa mga health worker na magsagawa ng door-to-door monitoring upang matukoy ang mga residenteng nalusong sa baha at makaranas ng sintomas ng leptospirosis. Nagpatawag din siya ng emergency meeting kasama ang mga opisyal ng city health office at pitong district hospitals upang pag-usapan ang tugon sa tumataas na kaso.
Ayon sa Manila LGU, 89 bagong kaso ang naitala noong Agosto 26, mula sa 38 noong Agosto 25, dahilan upang umabot sa 197 ang kabuuang kaso ngayong linggo. Limang pasyente rin ang nasawi dahil sa sakit ngayong linggo.
Nagbabala si Domagoso na maaari pang dumami ang kaso dahil umaabot sa dalawang linggo ang incubation period ng leptospirosis. Posibleng ngayon pa lamang lumitaw ang sintomas ng mga residenteng nalusong sa baha noong Agosto 17 at 18.
Samantala, umabot na sa 389,000 ang available na doxycycline capsules ng lungsod, mula sa 51,000 noong Agosto 24. Hinikayat ng alkalde ang mga nalusong sa baha na agad kumonsulta at maaaring makakuha ng libreng gamot sa 44 health centers at pitong district hospitals sa Maynila.
- Latest





















