Bagong ‘World War’: Walang bansang ligtas!
Akala natin kapag walang bomba, barilan at sundalo, walang gera. Mali. Sa panahon ngayon, puwedeng umatake ang isang bansa gamit ang tariffs, sanctions, technology bans at kontrol sa mahahalagang produkto. Walang putok—pero puwedeng tumaas ang bilihin, humina ang negosyo at mawalan ng trabaho ang ordinaryong tao.
Tingnan ang Amerika at Canada. Magkapitbahay, magkaalyado at matagal nang magka-partner sa kalakalan, pero nagbabatuhan pa rin ng tariffs at banta sa imports. Kung mismong magkakaalyado ay puwedeng magbanggaan sa ekonomiya, paano pa ang mas maliliit na bansa?
Sa Iran, ginagamit ang sanctions at financial restrictions para pigain ang gobyerno at mga negosyong nakikipagtransaksyon dito. Sa bagong mundo, hindi lang baril ang armas. Pati bangko, dolyar, merkado at access sa kalakalan ay puwede nang gamitin para manindak.
Sa China naman, malakas ang hawak sa manufacturing, supply chains at critical minerals na kailangan sa electronics, sasakyan, energy at defense. Kapag pinigilan ang supply, hindi lang isang bansa ang tatamaan. Puwedeng huminto ang produksyon at sumipa ang presyo sa iba’t ibang panig ng mundo.
At dito dapat magising ang Pilipinas. Hindi man tayo nasa gitna ng away, puwede tayong tamaan sa gasolina, pagkain, gadgets, negosyo, exports at trabaho. Kapag nag-away ang mga higante, kadalasan ang maliliit ang unang naiipit.
Kaya hindi sapat ang umasa sa isang kakampi o trading partner. Ang tunay na proteksyon ay matibay na sariling ekonomiya—mas maraming trading partners, mas malakas na lokal na produksyon, food security, energy security at maaasahang supply chains.
Dapat ding bawasan ang sobrang pagdepende sa iisang bansa. Dahil kapag kontrolado ng iba ang kailangan mo, puwede nilang kontrolin ang desisyon mo. Economic dependence can easily become political pressure.
Ito ang bagong gera ng mundo. Walang usok, walang sirena, walang putukan—pero tunay ang tama kapag mahal ang gasolina, kulang ang supply at nawawala ang trabaho. Nagbago ang battlefield. Nagbago ang armas. At kung hindi maghahanda ang Pilipinas, baka huli na bago natin mapansing tinamaan na pala tayo.
- Latest




















