Lisensiya ni Niño Muhlach sinuspinde ng LTO

MANILA, Philippines — Sinuspide ng 90-araw ng Land Transportation Office ( LTO) ang drivers license ng actor na si Niño Muhlach kasabay ng pagpapadala ng Show Cause Order matapos masangkot sa aksidente sa Marcos Highway, Antipolo City, Rizal.
Ayon sa LTO, nawalan ng kontrol ang aktor sa minamaneho niyang sasakyan na napunta sa kabilang linya ng kalsada bago bumangga sa tatlong establisimyento at isang nakaparadang motorsiklo. Isang indibidwal din ang nasugatan sa insidente.
Sinabi ng LTO na kailangan na humarap ang actor sa Agosto 28 sa Intelligence and Investigation Division at pagsusumite ng kanyang sinumpaang paliwanag at mga dokumento.
Maaari umanong mapanagot ang aktor sa mga paglabag tulad ng reckless driving at pagiging improper person to operate a motor vehicle.
Naka-alarm status na ang kanyang sasakyan, habang inatasan din siyang isuko ang lisensya na sasailalim sa 90-araw na preventive suspension.
Sa kanyang pahayag, inamin ni Niño na siya ang nagmamaneho at nakatulog umano habang nagmamaneho dahil sa matinding pagod.
Sinabi rin niyang handa siyang akuin ang personal at legal na pananagutan, kabilang ang pagtulong sa nasugatan at pagtugon sa mga pinsalang idinulot sa mga establisimyento.
- Latest



















