^

Bansa

Ebidensya, hindi kaibigan, dapat manaig sa impeachment

Joy Cantos - Pilipino Star Ngayon
Ebidensya, hindi kaibigan, dapat manaig sa impeachment
Vice President Sara Duterte
Vice President Sara Duterte via Facebook

Hamon sa senator-judges

MANILA, Philippines — Hinamon ni Manila 6th District Rep. Bienvenido Abante Jr. ang mga senator-judges na sundan ang ebidensiya at hindi ang ugnayan sa pulitika o personal na pagkakaibigan sa pagdedesisyon sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.

“I hope that the senator-judges will look at the pieces of evidence na piniprisinta,” pahayag ni Abante, na siya ring Chairman ng House Committee on Human Rights. Giit niya, hindi dapat maging hadlang ang pagiging kaibigan, kasamahan sa partido, o dating ugnayan sa desisyon ng Senado.

Si Abante ay kabilang sa mga nag-endorso ng ikaapat na impeachment complaint laban kay VP Sara. Aniya, nabasa at nirebyu niya ang mga alegasyon at nakita niyang may bigat ang mga akusasyon.

Partikular na tinukoy ng kongresista ang Article IV hinggil sa umano’y assassination threats ni Duterte laban kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at dating Speaker Martin Romualdez.

“Ang pinag-uusapan po dito, talaga bang mayroong mga dapat na iakusa sa Vice President para siya ma-impeach,” diin ni Abante.

Sinabi rin niya na mahirap nang pabulaanan ng depensa ang testimonya ni dating special disbursing officer ng Office of the Vice President (OVP) na si Gina Acosta, na direktang nag-uugnay kay VP Sara sa paglilipat ng P125 milyon confidential funds.

“Mahirap nang baliin pa ’yung sinagot niya,” ani Abante na tinutukoy ang pahayag ni Acosta sa impeachment court ng Senado. Ayon sa kanya, ma­linaw na si Duterte mismo ang nag-utos na ibigay ang pera kay dating OVP security officer Col. Raymund Dante Lachica matapos itong ma-withdraw noong Disyembre 2022.

Ang P125 milyon ay bahagi ng kabuuang P500 milyon confidential funds ng OVP na inilabas mula Disyembre 2022 hanggang sa unang tatlong quarter ng 2023. Tatlong cash advance na tig-P125 milyon pa ang ini-withdraw ni Acosta noong 2023, na umabot sa P375 milyon. Kasama ang P112.5 milyon confidential funds ng DepEd, umabot sa P612.5 milyon ang kabuuang pondong sakop ng unang impeachment article laban kay Duterte.

Ayon kay Abante, pinagtibay ng testimonya ni Acosta ang paniniwala niyang sapat na ang ebidensiyang iniharap ng mga House prosecutor upang mahatulan si Duterte.

Gayunman, iginiit ni Abante na nasa mga senador-hukom pa rin ang huling pasya kung hahatulan o aabsuwelto si Duterte matapos makumpleto ng prosekusyon at depensa ang kanilang presentasyon ng ebidensiya.

Nauna nang isinara ng House prosecution ang presentasyon ng kaso kaugnay ng alegasyong pagbabanta ni Duterte sa Pangulo. Patuloy naman nitong inilalatag ang ebidensiya sa umano’y maling paggamit ng confidential funds, habang nakabinbin pa ang iba pang impeachment articles kaugnay ng panunuhol at hindi maipaliwanag na yaman.

AFP

SARA

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with