‘Saudel’, inaasahang papasok ngayong Lunes
MANILA, Philippines — Inaasahang papasok na sa Philippine Area of Responsibility (PAR) ngayong Lunes ng hapon, Agosto 24, ang bagyong Saudel.
Ayon sa PAGASA, hanggang nitong Linggo ng umaga ay nananatili pa rin sa labas ng PAR si Saudel, habang naglalakbay sa direksiyon ng kanluran-hilagang kanluran sa Philippine Sea, silangan ng extreme northern Luzon.
Batay sa 11am advisory ng PAGASA, ang sentro ng Saudel ay namonitor, may 2,085 kilometro sa silangan ng extreme northern Luzon. Ito ay may maximum sustained winds na 165 kilometro kada oras at pagbugso na 205 kilometro kada oras.
Ang bagyo ay kumikilos ng kanluran pa-hilagang-kanluran sa bilis na 25 kilometro kada oras.
Kapag pumasok, bibigyan ito ng lokal na pangalan na “Obet” o “Pilandok” depende kung alin sa dalawang weather system — Saudel o ang binabantayang tropical depression — ang unang makapasok sa PAR.
Bagama’t forecast na maabot ni Saudel ang Super Typhoon category bago pumasok sa PAR, hindi rin inaalis ang posibilidad na makapasok ito bilang Super Typhoon.
Inaasahan namang lalabas din agad ng PAR ang bagyo bukas, Martes, Agosto 25.
- Latest



















