3 pasyente sa San Lazaro patay sa Lepto

NKTI ‘full bed capacity’
MANILA, Philippines — Tatlong pasyente na sinasabing naglaro at lumusong sa baha na nakaconfine sa San Lazaro Hospital matapos ang Habagat ang naiulat na namatay sa leptospirosis habang puno na rin sa mga pasyenteng may leptospirosis ang National Kidney and Transplant Institute(NKTI).
Batay sa tala ng ospital, nasa 142 na ang kaso ng leptospirosis mula Enero 1. Hanggang nitong Sabado, alas-7 ng umaga ay tatlo na sa mga naturang pasyente ang nasawi mula Agosto 10.
Nasa 60 naman ang mga pasyenteng kasalukuyang naka-confine. Sa naturang bilang, 22 ang bagong admissions habang 19 ang severe cases o malala ang kaso.
Lumilitaw sa ulat ng Department of Health (DOH), hanggang Agosto 17, umabot na sa 3,760 ang kaso ng leptospirosis sa bansa.
Kinumpirma naman ni Health Secretary Edwin Mercado na patuloy pang tumataas ang naturang bilang bunsod ng mga nakalipas na malawakang pagbaha.
Muli ring nagpaalala ang DOH sa publiko na iwasan ang paglusong sa baha kung hindi naman kailangan dahil maaaring kontaminado ito ng ihi ng daga.
Samantala, nasa “full bed capacity” na rin ang NKTI dahil sa patuloy na pagdami ng mga kaso ng leptospirosis.
Dahil dito, pansamantalang nilimitahan ng ospital ang walk-in admissions sa emergency room nito hanggang sa susunod na abiso. Ayon sa NKTI nitong Linggo, Agosto 23, mataas din ang bilang ng mga pasyenteng nagpapagamot sa emergency room.
Bibigyang-prayoridad ng ospital ang mga pasyenteng nangangailangan ng agaran at kritikal na atensyong medikal. Pinayuhan naman ang mga pasyenteng nangangailangan ng elective o non-emergency admission na makipag-ugnayan muna sa kanilang attending physician.
Hinimok ng NKTI ang mga pasyenteng hindi nangangailangan ng agarang atensyong medikal na isaalang-alang ang ibang health facilities na may available na kama upang maiwasan ang matagal na paghihintay.
Nagbabala naman ang mga health authorities sa panganib ng leptospirosis, partikular matapos makaranas ng pagbaha sa ilang bahagi ng bansa dulot ng malalakas na pag-ulan mula sa southwest monsoon o habagat.
- Latest























