LTO: Improvised na plaka huhulihin simula Sept. 1
MANILA, Philippines — Simula sa September 1, huhulihin ng Land Transportation Office (LTO) ang mga sasakyan na gumagamit ng improvised car plates o replica license plates nang walang awtorisasyon simula.
Ayon kay LTO Chief Markus Lacanilao, kasama sa panghuhuli ng mga sasakyan na naipapalabas na mga car dealers na gamit lamang ay improvised plates.
“Starting September 1 po, lahat po nu’ng gumagawa ng improvised plate o ‘yung mga replica plate, ‘yung eksaktong ginagaya po nila ‘yung plaka ng LTO, bawal po iyon. Huhulihin po namin iyon,” sabi ni Lacanilao.
Niliwanag ni Lacanilao na para iwas huli ang mga may improvided car plates, kailangang may maipakita ang mga driver ng authorization na magmumula sa LTO.
Ang pahayag ay ginawa ni Lacanilao makaraang ma-impound ng LTO ang Porsche 918 na nakapangalan sa actor-businessman na si Derek Ramsay na minamaneho naman ng kaibigang negosyanteng si Anthony Violago gamit ang improvised plates.
Naisuko na ni Violago ang kanyang driver’s license at naka-impound na ang naturang mamahaling sasakyan.
“Isang paraan po iyan ng paggamit ng mga kriminal para itago po nila ang mga sasakyan nila at makaikot sila sa mga kalye, eksaktung eksakto kinokopya nila yung government-issued plate. Bawal na bawal po yan,” ani Lacanilao na humingi na rin ng tulong sa Philippine National Police (PNP) para mahuli ang nasa likod ng illegal na paggawa ng mga improvised plates.
Ang paggamit ng mga sasakyan ng improvised plates ay may multang P5,000 at i-impound ang sasakyan.
- Latest






















