Lacson: Bigatan parusa sa ‘laban-bawi’ na testimonya
MANILA, Philippines — Isinusulong ni Sen. Panfilo “Ping” Lacson ang mas mabigat na parusa laban sa mga taong humihikayat o pumipilit sa iba na gumawa ng perjury o pagsisinungaling, kasunod ng sunud-sunod na recantation nina Orly Guteza at tatlo sa tinaguriang “Maleta Boys” hinggil sa kanilang mga pahayag na naghatid sila ng pera gamit ang mga maleta sa ilang personalidad.
Binigyang-diin ni Lacson na ang paulit-ulit na laban-bawi ng mga testimonya ay tila nagiging “negosyo” na, kaya’t kailangan ang mas mahigpit na pagpapatupad ng batas upang maiwasan ang pag-abuso.
Ayon kay Lacson, hindi dapat matapos sa simpleng pag-atras ang kaso ni Guteza. Binanggit niya ang Republic Act No. 11594, na ipinasa noong Oktubre 2021, na nagtaas ng parusa sa perjury sa prision mayor (anim hanggang walong taon na pagkakakulong) at multang P1 milyon. Dagdag pa rito, ang sinumang nag-udyok sa iba na gumawa ng perjury ay mananagot bilang “principal by inducement.”
“I will file a bill imposing heavier penalty and fine for ‘subornation of perjury’ or, if a person induces or forces another to commit perjury,” ani Lacson sa isang post sa X.
Giit ni Lacson, maaaring magsampa ng reklamo ang taong direktang naapektuhan ng maling testimonya. Sa kaso ni Guteza, ito ay si dating House Speaker Martin Romualdez, o kung hindi siya, anumang public officer na may tungkulin sa pagpapatupad ng batas.
Noong nakaraang taon, napansin ni Lacson ang umano’y “coaching” ni Sen. Rodante Marcoleta kay Guteza sa Blue Ribbon hearing. Sa kanyang affidavit of recantation, sinabi ni Guteza na pinilit siyang magsalita nina Marcoleta at ex-Rep. Mike Defensor kapalit ng pera at scholarship para sa kanyang mga anak.
Sa ilalim ng RA 11594, kung ang nagkasala ay isang public officer, tataas sa 12 taon ang maximum na pagkakakulong, bukod pa sa perpetual absolute disqualification sa anumang posisyon sa pamahalaan.
- Latest






















