Mister, nalunod sa kangkungan
CAVITE, Philippines — Patay sa lunod ang isang mister matapos na aksidenteng maswak ito sa malalim na bahagi ng creek habang nangunguha ng mga kangkong na pang ulam sana, kamakalawa ng hapon habang kasagsagan nang malakas na ulan, sa Brgy Salawag Dasmarinas City Cavite.
Inabot nang mahigit sa 1 oras bago natagpuan ang biktima sa ilalim ng creek na kinilala sa alyas “Ador,” nasa hustong gulang, residente ng lugar.
Batay sa imbestigasyon, alas-2:30 ng hapon nang maganap ang insidente, magkasamang nangunguha ng kangkong ang biktima at kaibigan nito sa creek na nasa likuran ng isang subdivision.
Kasagsagan nang malakas na ulan kung kaya hindi pansin ng mga ito kung saang parte ng creek ang may kalaliman.
Aksidenteng napatapak dito ang biktima at tuluy-tuloy na pumailalim ito.
Dahil sa puno ng mga kangkong at may kalabuan ang tubig ng nasabing creek, nahirapang i-rescue ang biktima na inabot pa nang mahigit sa isang oras bago ito nakuha.
- Latest



















