Romero, ipinagtanggol ng PTA group sa ‘gold cross medal’

MANILA, Philippines — Nagpahayag ng suporta ang Parents and Teachers Advocates for Students (PATAS PH) kay dating House Deputy Speaker at Philippine Air Force Reserve Brig. Gen. Michael “Mikee” Romero sa gitna ng mga batikos kaugnay na may tinanggap umano siyang “gold cross medal” at sa iba pang parangal na nabanggit sa kanyang confirmation sa Commission on Appointments.
Ayon kay PATAS PH Visayas Vice President Farrah Fajardo, may ilang bumabatikos kay Romero na maaaring hindi lubos na alam ang kanyang naging serbisyo sa komunidad, lalo na ang pagtulong niya sa mga bata.
“Sa Carcar City at Sibonga sa Cebu, nakita namin mismo kung paano tumulong si Mikee Romero sa mga batang may kapansanan. Nagbibigay siya ng mga regalo, school supplies at nagsasagawa ng feeding programs. Hindi lang ito tungkol sa mga medalya o parangal. Para sa amin, mas mahalaga ang mga batang natulungan niya,” ani Fajardo.
Ayon sa PATAS PH, isa si Romero sa mga kongresistang nagsulong ng mahahalagang batas para sa proteksiyong panlipunan, kalusugan, edukasyon at pambansang depensa, kabilang ang 4Ps law o Republic Act No. 11310, Universal Health Care Act, Free Tuition Fee Law, Mandatory PhilHealth Coverage for Persons with Disabilities, at Salary Standardization Act of 2019. Sinuportahan din niya ang AFP Modernization Program noong siya ay nasa Kongreso, kabilang ang mga hakbang sa pagkuha ng C-130 aircraft para sa Philippine Air Force.
Sa kanyang “Save A Child’s Heart” project kasama ang foundation ng pamilya, naoperahan ang 1,250 mahihirap na batang may congenital heart disease sa tulong ng Philippine Heart Center.
Sinabi naman ni PATAS PH National President Jojo Gamboa na hindi lamang sa Cebu o sa mga proyektong napapansin ng publiko tumutulong si Romero. “Hindi lang sa Cebu. Lalo na noong panahon ng pandemya, nakita at narinig namin ang kanyang pagtulong sa pamamagitan ng relief goods at iba pang ayuda para sa ilang frontliners at kapuspalad na pamilya sa Manila, Laguna, Bicol at Cavite, bukod sa iba pang lugar,” ani Gamboa.
Pinabulaanan ni Romero na nakatanggap o may hawak siyang gold cross medal taliwas sa mga alegasyon.
- Latest

















