Ex-mayor, misis kulong sa maling paggamit ng pondo

TUGUEGARAO CITY, Cagayan, Philippines — Tuloy ang pagkakakulong ng dating alkalde ng Amulung, Cagayan at kanyang misis matapos pagtibayin ng Supreme Court ang kanilang hatol sa kasong “graft” kaugnay ng maling paggamit ng milyun-milyong pisong pondo ng munisipyo.
Anim na taong pagkabilanggo ang ipinataw kina dating Amulung Mayor Nicanor De Leon at misis nitong si Pacita De Leon matapos silang panagutin ng Sandiganbayan sa maling paggamit ng pondo ng pamahalaan.
Ibinasura ng Supreme Court ang kanilang apela at pinagtibay ang desisyon ng Sandiganbayan, dahilan upang ipatupad ang kanilang sentensiya.
Nag-ugat ang kaso sa mga transaksiyong kinasasangkutan ng pondo ng munisipyo noong nanunungkulan pa bilang alkalde si De Leon, na nauwi sa pagsasampa ng kasong graft and corruption laban sa mag-asawa.
Kasalukuyang nagsisilbi ng sentensiya ang mag-asawa sa New Bilibid Prison at Correctional Institution.
Ang kanilang pagkakakulong ay nagsisilbing paalala na mananagot ang mga opisyal ng pamahalaan sa hindi wastong paggamit at pangangalaga ng pondo ng bayan.
- Latest




















