9,364 city hall employees may dagdag sahod - Isko

MANILA, Philippines — Ipapatupad ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila simula Setyembre 1 ang ikatlong tranche ng dagdag-sahod para sa lahat ng permanenteng empleyado, ayon kay Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso.
Sa kanyang talumpati sa flag-raising ceremony sa Manila City Hall nitong Lunes, Agosto 17, sinabi ni Domagoso na hindi bababa sa 4 porsiyento ang magiging dagdag sa sahod ng mga kawani, na mangangailangan ng halos P100 milyon karagdagang pondo mula sa city government.
Ayon sa alkalde, nakipagpulong siya sa mga department at bureau heads upang matiyak ang maayos at napapanahong pagpapatupad ng salary increase. Aabot sa 9,364 permanenteng empleyado ng Manila LGU ang makikinabang sa dagdag-sahod.
Sinabi ni Domagoso na bagama’t limitado ang pinansyal na kalagayan ng lungsod, malalampasan ito sa pamamagitan ng masinop at epektibong paggasta ng pondo. Isusumite naman ang kinakailangang appropriation para sa salary adjustment sa Manila City Council para sa pag-apruba.
Binigyang-diin ng alkalde ang mahalagang papel ng mga empleyado sa paghahatid ng serbisyo publiko. Kasabay nito, pinaalalahanan niya ang mga kawani at residente na mag-ingat sa patuloy na pag-ulan at panganib ng leptospirosis, at maaaring magtungo sa mga city clinic at health center para sa Doxycycline bilang precautionary measure.
- Latest
























