Hindi matatapos ang baha hangga’t bulok ang sistema
Muling nilubog ng baha dulot ng pinalakas na Habagat ang maraming bahagi ng Luzon. Muling nalubog ang mga bahay at sasakyan, napilitang lumikas ang libo-libong pamilya, nasuspinde ang klase at trabaho, at naantala ang kabuhayan. Ito ay nangyari isang taon mula nang sumabog sa publiko ang multi-bilyong pisong korapsyon sa flood control.
Noong nakaraang taon, sinabi ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., “Mahiya naman kayo!” sa mga nasa likod ng anomalya. Ngunit makalipas ang isang taon, heto na naman tayo; baha, pinsala, at mga tanong na tila walang katapusan. Tila walang nahiya.
Bulacan, Cavite, Parañaque, mga lugar na muling lumubog. Sa Parañaque, halos 750 metriko toneladang basura ang inalis sa Redemptorist Water Channel matapos barahan ang daluyan ng tubig. Sa Marilao, Bulacan, gumuho ang isang river wall sa Barangay Prenza II, dalawang buwan lamang matapos makumpleto. Sa EDSA, binaha at nasira ang ilang bahagi ng kalsadang bagong rehabilitasyon.
Maging ang Davao City na balwarte ng mga Duterte ay hindi rin nakaligtas. Sa Talomo River, natuklasang pitong taon nang hindi naaayos ang isang sirang gabion flood-control wall. Ayon kay DPWH Secretary Vince Dizon, wala pang P100 milyon ang maaaring kailanganin para sa pagkukumpuni, Ang tanong, bakit hindi naipaayos samantalang bilyun-bilyong piso na ang ibinuhos sa flood-control projects sa nasabing lugar?
Totoo ang climate change. Totoo ang Habagat. Ngunit hindi gawa ng Diyos ang korapsyon, kapabayaan, palpak na pagpaplano, baradong drainage, sirang imprastraktura, at pera ng taumbayan na binubulsa ng mga tiwali.
Pero hindi lang korapsyon ang problema. Matagal na ring problema ang kawalan natin ng malinaw at pangmatagalang development plan para sa ating mga lungsod, transportasyon, pabahay, industriya, agrikultura, basura, ilog at kapaligiran. May teknolohiya tayo. May pera tayo. Ang kulang ay matinong pamamahala, political will, at mga lider na inuuna ang bansa kaysa laman ng bulsa.
Kaya tama ang nabasa ko sa Facebook: “Hindi matitigil ang baha hangga’t hindi tayo bumoboto ng tama.” Pero dagdagan natin. Hindi matatapos ang baha hangga’t bulok ang sistema.
Hindi natin mapipigilan ang ulan. Pero kaya nating labanan ang katiwalian. Kaya nating singilin ang mga mandarambong. Kaya nating bumoto nang tama. At higit sa lahat, kaya nating baguhin ang isang bulok na sistema na lumulunod sa atin sa baha ng katiwalian.
- Latest


















