Grade 11 na nanuntok ng parak isinuko ng ina

MANILA, Philippines — Isinuko ng kaniyang ina ang isang 16-anyos na Grade 11 student na nanuntok ng brass knuckle sa isang 40-anyos na pulis na nanita sa karerahan ng skate board ng mga estudyante sa labas ng isang public high school sa Brgy. Granada, Bacolod City noong Biyernes.
Sa update ng Bacolod City Police, nang mabatid ng ina ng bata ang insidente ay dinala mismo nito ang anak sa himpilan ng Bacolod City Police Station 5 at inihingi nito ng tawad ang pasaway na anak sa ginawa nito.
Noong Biyernes bandang alas-12 ng tanghali, nagpapatrolya ang mga pulis sa Brgy. Grandia, Bacolod City nang maaktuhan ang grupo ng mga kabataang estudyante na nagkakarerahan sa skateboard sa highway. Dito sinita nila ang mga estudyante at pinagsabihang delikado ang kanilang ginagawa dahil maraming sasakyang dumaraan sa lugar. Gayunman, bigla na lang sinuntok ng nasabing suspect ng brass knuckle sa mukha ang pulis saka mabilis na tumakas gamit ang skate board nito.
Ayon sa pulisya, humingi na ng tawad ang estudyante sa pulis na nasugatan nito pero desidido naman ang huli na ituloy ang reklamo para umano magtanda ang una sa kaniyang kasalanang nagawa.
- Latest















