Lola, kasambahay, aso patay sa sunog

MANILA, Philippines — Patay ang isang senior citizen, ang kanyang kasambahay, at alagang aso nang ma-trap sa sunog na naganap sa Don Quijote Street sa Sampaloc, Maynila, madaling araw ng Sabado, Agosto 15.
Idineklarang patay ang 78-anyos na babaeng may-ari ng bahay, ang 48-anyos na babaeng kasambahay na naisugod pa sa ospital subalit bigong maisalba.
Ayon sa ulat ng Bureau of Fire Protection (BFP), alas-12:58 ng madaling araw nang itawag sa kanila ang insidente na agad itinaas sa unang alarma ala-1:02 ng madaling araw.
Mabilis ang naging responde ng BFP at ala-1:23 ng madaling araw nang ideklarang fire- under control at fire-out pagsapit ng ala-1:32 ng madaling araw.
Nabatid na unang nailabas ang aso, at ang mga biktima naman ay natagpuang kapwa walang malay na nakahandusay sa ground floor ng 2-storey sa lumang bahay na itinayo noon pa umanong 1930’s.
Narinig ng mga kapitbahay ang paghingi ng saklolo ng mga na-trap na biktima subalit nahirapan silang pasukin dahil naka-lock umano ang pinto at pinuwersang pasukin ng mga bumbero sa pamamagitan ng pagdaan sa bintanang may rehas na bakal sa ikalawang palapag.
May pulso pa umano ang mga biktima na wala namang bahid ng paso o sunog sa balat nang matagpuan, na posibleng suffocation ang sanhi ng pagkamatay.
Sinubukan ding isalba ang aso na ginawan pa ng CPR at mouth-to-mouth resuscitation ng mga kapitbahay bago dinala sa isang veterinary clinic sa kahabaan ng Dapitan Street ngunit hindi na ito naisalba.
Walang naiulat na nadamay na katabing bahay dahil naging mabilis din umano ang responde ng barangay na may dalang fire extinguisher subalit bigong mapasok ang bahay.
Inaalam pa ang sanhi ng apoy, na posibleng may kinalaman sa kuryente.
- Latest
























