Lacson sinimulan nang himayin panukalang 2027 budget
MANILA, Philippines — Sinimulan na ni Sen. Panfilo “Ping” Lacson at ng kanyang staff ang masusing pagsusuri sa panukalang P7.2 trilyong budget para sa 2027.
Ayon kay Lacson na masusing susuriin niya ang National Expenditure Program (NEP) upang matiyak na walang makakalusot na “pork” sa panukalang budget, kabilang ang mga kuwestiyonable, walang silbi at maaksayang gastusin.
Pinamumunuan ni Lacson ang Senate Committees on Public Order and Dangerous Drugs, Ways and Means, at Accounts.
Kasalukuyang masikip ang iskedyul ng Senado, kung saan idinaraos sa umaga ang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte-Carpio at plenary sessions naman sa hapon.
Ilang pagdinig ng mga komite naman ang itinakda sa Philippine International Convention Center (PICC) dahil sa kakulangan ng espasyo sa gusali ng Senado.
Kumpiyansa si Lacson na ang adbokasiya niya para sa budget transparency, kasama ang mga reporma na ipinatupad noong nakaraang taon ni Senate finance committee chairman noon at ngayo’y Senate President Sherwin Gatchalian ay makatutulong upang higit pang matiyak ang transparency sa proseso ng pagbubuo ng budget.
- Latest


















