9 na babae narescue ng NBI sa sexual exploitation sa spa
MANILA, Philippines — Nasagip ng National Bureau of Investigation (NBI) ang siyam na babae na umano’y biktima ng sexual exploitation sa isang massage spa sa Sta. Mesa Heights, Quezon City.
Isinagawa ng NBI Organized and Transnational Crime Division ang entrapment operation noong Agosto 5, katuwang ang Human Trafficking Division, Department of Justice at Quezon City government. Bago ang operasyon, nagsagawa muna ng surveillance ang mga awtoridad upang beripikahin ang impormasyon na nag-aalok ang spa ng mga babaeng therapist para sa sexual services gamit ang Telegram.
Ayon sa NBI, nag-aalok umano ang establisimyento ng mga “All-In” o “All the Way” package na may kasamang sexual services. Tatlong babaeng therapist ang na-i-book ng mga undercover agent para sa “All-In” package.
Kinumpirma ng mga therapist ang booking at tumanggap ng paunang bayad bago isinagawa ang transaksyon na humantong sa pag-aresto sa mga suspek.
Ang siyam na babaeng nasagip ay dinala sa Quezon City Social Services Development Department para mabigyan ng kaukulang tulong. Ayon sa mga babae, ni-recruit sila at iniaalok sa mga kliyente para sa sexual services kapalit ng pera.
Sinampahan naman ng kasong qualified trafficking in persons in large scale sa ilalim ng Republic Act No. 9208, na binago ng RA 10364, kaugnay ng RA 10175 o Cybercrime Prevention Act of 2012, ang mga taong naaresto sa operasyon.
- Latest






















