‘Leadership fund’ mas malala sa pork barrel
MANILA, Philippines — Muling nanawagan si Sen. Panfilo “Ping” Lacson nitong Huwebes na buwagin ang tinatawag na ”leadership fund” o allocables sa pambansang badyet, na aniya’y mas masahol na bersiyon ng pork barrel.
Ayon kay Lacson, ipinakita ng testimonya ni dating Public Works and Highways Secretary Manuel Bonoan, gayundin ng mga kamakailang kaganapan kaugnay ng mga maanomalyang proyekto sa flood control, kung paano nabigyan ng “leadership fund” ang mga mambabatas ng pagkakataong magsingit ng mga proyekto sa badyet kahit nasa preparation phase pa lamang ng pambansang badyet.
Dagdag niya, dapat nang wakasan ang ganitong anomalya sa proseso ng pambansang badyet.
Unang lumitaw ang “leadership fund” noong Setyembre ng nakaraang taon nang banggitin ito ni Bonoan sa isang pagdinig ng Senate Blue Ribbon na pinamunuan ni Lacson hinggil sa flood control scandal.
Noong panahong iyon, bilang tugon sa tanong ni Lacson kung paano nakapagsisingit ang mga mambabatas ng mga proyekto sa panukalang badyet na hindi pa pumapasok sa legislative phase, sinabi ni Bonoan na pinagsasama-sama ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang mga hinihiling na proyekto ng mga mambabatas para maisama sa NEP, kabilang ang mga dumadaan sa “leadership fund” sa Senado.
Sinabi ni Bonoan na sinusuri ng planning service ng DPWH ang mga panukala upang matiyak na ang mga proyektong isinasama ay “are consistent with development programs.”
Sinabi rin niya na pinapayagan ang mga insertion sa NEP stage upang maiwasan ang mga komplikasyon sa bicameral conference committee, dahilan upang ipaalala ni Lacson na “the role of lawmakers is in the authorization phase,” o kapag isinusumite na sa Kongreso ang panukalang batas sa badyet para sa deliberasyon.
- Latest






















