Alas Girls ‘di umubra sa Korea
MANILA, Philippines — Tinapatan ng Alas Pilipinas Girls ang tapang at tibay ng loob ng Korea pero hindi ang lakas at tikas kaya yumuko ang Pinay netters sa tatlong sets, 21-25, 18-25, 14-25, sa round of 16 ng FIVB Volleyball Girls U17 World Championship kahapon na nilaro sa Los Andes, Chile.
Kinapitan ng mga batang Nationals sina Xyz Rayco at Caera Celis upang kahit paano ay makahawak ng lamang sa kaagahan ng laban sa sets 1 at 2.
Nasilayan ang determinasyon ng Alas Girls dahil may mga oras na nabibigyan nila ng pressure ang Asian champion South Korea.
Nakalamang muna ang Alas Pilipinas Girls ng isang puntos, 11-10 sa set 1 mula sa tikas ni Celis bago inagaw ng Koreans ang bentahe, 11-14 sa pangunguna nina Son Seoyeon at Lee Seoin hanggang sa umabot pa sa apat, 16-20.
Nasaksihan muli ang dedikasyon ng Alas Girl, mula sa tatlong kills na kinana nina Celis at Lleses ay natapyasan sa isa ang kanilang hinahabol, 19-20.
Pero nanatili ang tibay ng Koreans at naitakas nila ang mahirap na panalo sa unang frame.
Dahil sa pagkakasampa sa round of 16 matapos ilista ang 2-3 record sa Pool B sa preliminary ay nakaukit ng history ang Alas Pilipinas Girls.
- Latest
















